Undergoing MyBlogLog Verification
Showing posts with label lp. Show all posts
Showing posts with label lp. Show all posts

Thursday, January 21, 2010

LP 89: Magustuhan o maibigan


Kumusta po sa inyong lahat! Halos isang taon akong hindi nakasali sa LP at muntik ng magdaos ng ika unang anibersaryo mula ng huli akong lumahok (huli kong lahok ay enero 25, 2009..hala, blacklisted na yata ako.) Sa linggong ito ay inihahabol ko ang aking lahok! Huli man at magaling, huli pa rin!

Ang batang ito ay mahilig sa dsi kung kaya't kahit gabi na at oras na ng pagtulog at naglalaro sya nito. Suot nya ang kanyang headphones hanggang sa siya ay nakatulog na sa paglalaro. Basta magustuhan ay gagawan ng paraan. Kaya lang basta inantok, ang gamot ay tulog!


Maligayang LP!

Sunday, January 25, 2009

LP 42 Kahel


Ay, napakasarap balikan ang Ang Aling Tonya's! Hindi po ako kamag-anak o nagtratrabaho sa kanila pero talaga pong hindi makukumpleto ang aming bakasyon sa Pilipinas kung hindi kami makakain sa Dampa! Ewan ko ba pero sa aming panlasa eh hindi nagbabago ang timpla ni Aling Tonya. Eto po ang aming paboritong kahel!

Syempre pa, hindi pahuhuli si esposo kaya't sinimulan na agad ang laban!

Hindi rin nagpahuli ang aking anak sa kahel! Paborito nya ang tempura! Malutong daw ito at masarap sa kanyang panlasa!

Bakit ba napakasarap kumain sa Pilipinas? Talagang hahanap hanapin mo ang timpla at lasa! Kung pwede lang dalhin ang lahat ng ito, matagal ko ng ginawa!
Maligayang LP!

Wednesday, January 14, 2009

LP 41 Asul



Ako po ay nakabalik na sa aking maikling bakasyon mula sa ating mahal na bayang Pinas. Salamat sa lahat ng nagiwan ng kanilang magagandang mensahe!
Sa linggong ito, naghanap ako ulit sa aking baul ng litratong asul! At ito ang aking nakita.
Nakasuot ang aking anak ng kulay asul!



Meron ding ilang bata na nakasuot ng asul! (at pula..hehehe.ipilit ba ng lola para makahabol sa nakaraang linggong tema ;))



Sa wakas, nakatiyempo rin sya ng tubig! Gustong gusto nyang itapat ang kanyang mukha at buong katawan sa tubig na ito! Lubos itong nagbigay sa kanya ng kasiyahan. Nangyari ito isang Sabado ng hapon kung saan kaming mag-anak ay namasyal noong nakaraang taon sa panahon ng tag-init! At ito ang paraan para makatipid din sa tubig!:)
Ang sarap talaga maging bata!

Maligayang LP sa inyong lahat! Nakasali ako ulit..Hanggang sa muli!

Monday, December 08, 2008

LP #36 - Excited!(Eksayted)


Mabuhay! Ako po ay buhay pa naman. Kumusta po kayong lahat mga ka LP. Pag ako po eh may panahon ay pinipilit ko kayong dalawin sa inyong mga blog. Tuwing makikita ko ang tema, nanabik akong maghanap ng litrato subalit datapwat ngunit pag akin ng natagpuan ang nais kong ilahok eh tapos na ang linggo para sa naturang tema. Ngayong linggo, dahil umalis ang aking mag-ama patungong Pilipinas nakakuha ako ng munting oras para makasali. Kaya huli man ang aking lahok ay pilit ko itong ihahabol!
Kuha ko ito noong kaarawan ng aking anak. Sa ating mga Pilipino, karaniwan ng may pabitin tuwing merong birthday party. Sa aming likod bahay, lahat ng mga bata kasama ang kanilang mga magulang ay agad na nagtipon sa ilalim ng pabitin at itinuturo ang nais na makuhang premyo.

Ang sabi ng tatay " Ayan ba ang gusto mo, anak! Kukunin ko na dahil party mo naman ito! Ako ang tatay kaya't ako ang masusunod! Eksayted na akong tumalon"


Ang sabi ng anak " Hindi po yan Tatay! Eto pong itinuturo ko! Eksayted na rin po akong kunin ang laruan na ito. Sino nga po ang me pauso ng pabitin? "


Ang sabi ng lahat "Kami man ay eksayted na rin kaya't tatalon kaming lahat sa tulong nga aming mga tatay!


Ang sabi ng lahat " Kakaexcite naman ito! Agawan sa pabitin! Hala, bilis kunin natin ang mga laruang nakasabit!


Maligayang araw po! Hanggang sa muli, excited na ako!

Friday, October 10, 2008

LP#28 - Luma Na




Himala ng mga himala! Mayroon akong lahok para sa linggong ito. Paumanhin sa lahat ng bumisita at wala man lang ako lahok sa mga nagdaang dalawang buwan. Harinawang makasali na ako sa bawat linggo. Harinawa!

Nahirapan ako sa lahok na ito! Limang taon na ako dito sa Amerika at sa paglinga ko sa aming tahanan ay tunay na wala akong makitang luma! Lahat ng aking naisip na luma ay nasa aming tahanan sa Pilipinas! Sa aking pag aayos ng mga papeles, ito ang aking nakita! Agad ko itong kinunan at pilit na itinago ang mga pangalan at baka ako pagalitan ng aking mahal na biyenan!






Taong 1966 pa pala sila kinasal! Nakakatuwa na hanggang ngayon, animo bagong kasal ang aking mga biyenan! Harinawang tumagal pa ang kanilang pagsasama at pagmamahalan!

Salamat sa inyong pagbisita! Maligayang LP!

Thursday, June 12, 2008

LP - Kalayaan




Kuha ko ito sa aking butihing esposo noong 2004 ng kami ay magdiwang ng aming unang anibersaryo. Kasama niya sa larawan ang Statue of Liberty! na simbolo ng kalayaan para sa maraming tao sa buong mundo!
Maraming bagay na magandang malaman sa Statue of Liberty. Ang timbang/bigat nya ay umaabot sa 450,000 pounds at ang taas nya ay 305 feet. (Nakaramdam ako na magaan pala ako at maliit ako) Meron syang pitong rays sa kanyang korona bilang simbolo ng pitong kontinente! Ang kanyang torch ay nababalutan ng 24k gold! Eto pa ang ibang impormasyon para sa inyong kaalaman!
Maligayang huwebes sa lahat ng myembro ng LP!

Thursday, June 05, 2008

LP - Pag iisang dibdib



Mabuhay! Huwebes pa dito kung kaya't inihahabol kong pilit ang aking lahok para sa pag-iisang dibdib para sa buwan ng Hunyo. Paumanhin sa lahat ng dumadalaw sa aking blog (meron ba?) dahil naging abala ang lola sa trabaho ng pagiging ina at pagiging asawa. Kasalukuyan akong nag aayos ng aking mga papeles ng nakita ko ito at ito na ang naisip kong isama sa lahok para sa linggong ito!



Isang papel
Pinirmahan
Iniingatan
Minamahal
Kinaiinisan
Pinagtatalunan
Pinangakuan
Pinahahalagahan
Habang may buhay

Wednesday, May 14, 2008

LP Entry #3-Umaapoy




Umaapoy ang iyong liwanag
Umaapoy sa buong kalangitan
Umaapoy ang sigla
Kahit na sa iyong paglisan


Ang litratong ito ay kinuha ko noong kaming mag-asawa ay nagpunta sa Boracay. Sa tatlong araw naming inilagi sa Boracay, kapansin-pansin na pagsapit ng paglubog ng araw, lahat ng mga taong naroroon ay nanonood sa kagandahang ito. Kitang kita rin namin kung paano biglang nagbabago ang Boracay pagsapit ng gabi. May musika at sayawan, pawang puro kasiyahan.
Maligayang Huwebes sa lahat ng myembro ng LP!

Friday, May 09, 2008

LP Entry # 2 - Mahal na Ina



Natay!
Tanay!
Tatay na nanay pa!
Maagang naulila kaya't siya na ang
tumayong nanay!
Pero nanatiling haligi
ng bahay!
Anong saya nung tayo ay
nasa Tagaytay!
Anong lungkot nung
ako ay iyong iwan!
Pero iisipin ko na lang lagi
ang magagandang alaala!
Natay!
Tanay!
Mahal kitang tunay!

Ang akdang ito ay para sa aking ama na siya ring gumanap bilang aking ina dahil maagang pumanaw ang aking mahal na ina! Hindi na sya nag-asawa pa at sa halip ay kaming mga anak nya na lang ang pinagtuunan ng pansin.
Hindi ako makasulat kasi maiiyak lang ako dahil hanggang ngayon nangungulila pa rin ako sa kanya! Kuha ko ito sa kanya noong kami ay nagbakasyon sa Pilipinas!

(Bago ko matapos ito, tumawag ang aking kaibigang si S. Namaalam na rin ang kanyang tatay, atake sa puso sa edad na 80. Pakisama naman sa inyong dalangin si Tito G at ang aking tatay. Malamang, nag uusap yung dalawang magkumpare sa piling ng ating Panginoong Maykapal)

Thursday, May 01, 2008

LP entry #1 - Malungkot


Anak, anak huwag ka ng malungkot
Huwag ka ng sumimangot o kaya'y mabugnot
Di lahat ng bagay pwede mong makamtam
Gaya ng cellphone ko na biglang nawala kailan lang
Ayokong mainis, ayokong manisi
Ako bilang iyong ina ang dapat umintindi
Sa mura mong isip lahat ay iyong hahawakan
Hayaan mo't bibili tayo bukas ng cellphone na laruan!


Noong isang buwan, ang aking anak ay umiiyak dahil ayaw kong ibigay ang aking bagong biling cellular phone! Lungkot na lungkot siya dahil nais nyang kunin ito sa akin. Ayaw kong ibigay ang telepono dahil ng huli nyang gamitin ang aking lumang cellphone, hindi ko na ito nakita pa ulit. Ako naman ang nalungkot dahil ilang linggo ko syang hinanap pero tuluyan na syang nawala! Asan na kaya yun?